Transmission Line 3 ng NGCP sa San Jose Del Monte, pinagana na
Ni Shane F. Velasco


 

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Enero 6 (PIA) -- Pinagana na ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ang bagong tayong Transmission Line 3 na nagsisimula sa lungsod ng San Jose Del Monte.

 

Sinabi ni Felicidad Francisco, communication officer ng NGCP para sa Bulacan, na isa itong 19 kilometrong grid o transmission line na tumatawid sa mga lungsod ng San Jose Del Monte, Quezon, Caloocan at Valenzuela na maghahatid ng suplay ng kuryente mula sa mga planta patungo sa mga kabahayan at industriya sa Bulacan at Metro Manila.

 

Sa pagkakatayo nitong bagong Transmission Line 3, maiiwasan ang overloading ng kuryente dahil sa tumataas na pangangailangan o demand sa suplay. 

 

Nagkakahalaga ang proyekto ng 1.64 bilyong piso na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission upang makapagdagdag ng kapasidad sa power transmission line na may lakas na 230-kilovolt.

 

Tugon din ito ng NGCP na matiyak na hindi magkakaroon nang madalas na pagkaputol ng suplay ngayong may pandemya, na maraming mga tao ay umaasa sa digital platforms sa larangan ng edukasyon, pangangalakal, komersiyo, komunikasyon at maging sa transportasyon. (CLJD/SFV-PIA 3)

 

YOUR REACTION?

Facebook Conversations



Disqus Conversations